Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palalawigan muli hanggang December 31, 2023 ang prangkisa ng mga operator ng tradisyunal na jeepney. Pero itutuloy pa rin daw ng transport group na Manibela ang kanilang isang linggong tigil-pasada simula sa Lunes, Marso 6.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, maglalabas sila ng bagong memorandum circular na nagsasaad ng pagpapalawig ng deadline ng prangkisa para sa mga tradisyunal na jeepney hanggang December 31, 2023.
Nakatakda sanang mapaso ang naturang mga prangkisa sa darating Hunyo 30.
Ginawa ni Guadiz ang pahayag ilang araw bago ang nakakasang isang linggong tigil-pasada ng transport group na Manibela simula March 6 hanggang March 12.
Nagbigay din ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi “urgent” ang planong modernization program para sa mga jeep. Bukod pa rito ang planong imbestigasyon ng gagawin ng Senado tungkol sa isyu.
Ayon kay Guadiz, hindi na-pressure ang LTFRB sa bantang welga ng transport group kaya palalawigin ang prangkisa ng mga tradisyunal na jeepney.
“To be honest there is no pressure for us for this strike because more than 90 percent of the transport groups have signified their support to the program of the LTFRB,” saad ni Guadiz.
“[I]n deference to the Senate resolution of Senator Grace Poe and to the request of the secretary of the Department of Transportation, we will be extending the deadline to allow the transport sector more time to consolidate,” dagdag niya.