Nitong Miyerkules ay tinalakay na ng Senate Committee on Tourism ang apat na panukalang batas na nagsusulong ng alternatibo at sustainable activities para sa mga lokal at banyagang turista na pinangunahan ni Sen. Sonny Angara.
Unang tinalakay ang Senate Bill 1166 na inihain din ni Angara o ang Pag-asa Island Ecotourism Cluster and Protected Area na naglalayong maideklarang ideklarang special ecological tourism zone ang Pag-asa Island at karatig na isla ng Kota at Panata.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ng Pag-Asa Island Ecotourism Cluster Governing Board na pamumunuan ng gobernador ng Palawan.
Sa pagdinig, hiniling ni Kalayaan Mayor Roberto del Mundo na isama rin sa cluster ang iba pang isla sa lugar habang inilatag naman ni Kalayaan Board Member Ryan Maminta ang ilang benepisyo sa kanilang bayan ng panukalang batas.
Una na rito ang dagdag kita ng munisipalidad mula sa dadagsang local at foreign tourists dahil magkakaroon umano ng maraming trabaho para sa mga residente ng Pag-asa Island at kung maisabatas, mas palalakasin din nito ang claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“There’s no question that there’s indeed advantages in declaring Pag-asa Island cluster as a special ecological tourism zone. However, we cannot turn a blind eye to the dangers it may post,” saad ni Maminta.
Isa naman sa posibleng negatibong epekto nito ang pagkasira ng kapaligiran lalo kung walang maayos na waste management.
Samantala, tinalakay din ang Senate Bill 238 na inihain ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda at layong magdeklara ng ecotourism zone sa Northern Antique Protected Seascape and Landscape na matatagpuan sa mga munisipalidad ng Libertad, Pandan, Sebaste, Culasi, at Tibiao sa Antique.
Sa pagdedeklara ng ecotourism zone, bubuo ng community-based ecological tourist destinations, na makakahatak ng mga investment at dagdag trabaho.
Tinalakay rin ang Senate Resolution 472, kung saan layon na gawin ang Pilipinas na nangunguna pagdating sa nature-based tourism.
Kabilang sa mga aktibidad dito ang mga tour, pangingisda, hiking, bird watching, kayaking at beachcombing.
Natalakay din ang Senate Bill 1615, na kumikilala sa Baler, Aurora bilang lugar kung saan unang ginawa ang surfing sa bansa.
Bubuo ng technical working group, para mas ayusin ang bersyon ng 4 na panukalang batas.