Ang dating pangulo ng Estados Unidos na si Donald Trump ay dumalo sa Sneaker Con, isang trade fair ng sapatos sa Philadelphia, Pennsylvania noong Sabado upang ilunsad ang kanyang produktong “Trump Sneakers.”
Ang tatak ay binubuo ng mga kulay gintong sapatos na tinatawag na “NEVER SURRENDER HIGH-TOP SNEAKER.” Nagkakahalaga ang isang pares nito ng $399 at ibinebenta sa website nito.
Isang libong pares ng nasabing sapatos ang naibenta lahat noong Sabado ng gabi.
Bukod sa Trump Sneakers, nag-alok din si Trump ng “T” at “45” na sneakers na nagkakahalaga naman ng $199 bawat pares, ayon sa website.
Ang tatak ng mga sapatos ay pag-aari ng CIC Ventures LLC na siyang dumisenyo, gumawa, nagpamahagi at nagbebenta ng Trump Sneakers. Ang kita sa pagbebenta nito ay hindi mapupunta sa kumakandidatong presidente ng Amerika, sa kanyang The Trump Organization o alinman sa kani-kanilang mga affiliate o prinsipal, ayon sa ulat ng CNN.
Ang pangalan, imahe at pagkakahawig ni Trump na ginagamit rin para sa kanyang linya ng sapatos ay lisensyado naman sa 45Footwear LLC.
Pagkatapos ng pagbisita sa Sneaker Con, tumungo si Trump sa Michigan para mangampanya, 10 araw bago ang Republican primary sa Wolverine State.