Inihayag ng Department of Budget and Managament nitong Linggo na lumago ang paggasta ng national government para sa imprastruktura at iba pang mga capital outlay sa P1.02 trilyon mula Enero hanggang Nobyembre 2023, kumpara sa P861.8 bilyon lamang noong parehong period noong 2022.
Batay sa ulat ng disbursement ng National Government para sa Nobyembre 2023, ang pinakabagong datos ay nangangahulugan ng pagtaas ng P159.8 bilyon o 18.5 porsyento sa paggasta para sa imprastruktura.
Ayon kay Budget Secretary Mina Pangandaman na mahalaga ang government spending sa national growth upang matulungang suportahan ang matatag na paglago ng ekonomiya.
Kaya ang mga ahensya ng gobyerno ay dapat na patuloy na isagawa ang kanilang mga programa at proyekto ayon sa awtorisasyon sa taunang badyet upang maihatid ang mga nakaplanong resulta sa itinakdang panahon.
Malaki ang kaugnayan ng pagtaas sa imprastruktura at iba pang mga capital outlays sa disbursement na ginawa ng Department of Public Works and Highways para sa pagpapatupad ng iba’t ibang mga prayoridad na proyekto at capital outlays gaya ng konstruksyon, rehabilitasyon, renovation, repair, at pagpapabuti ng mga kalsada at tulay, pati na rin ang mga istraktura para sa flood control.
Malaki rin ang naging kontribusyon ng pagpapatupad ng iba’t ibang rail transport foreign-assisted projects ng Department of Transportation sa paglago ng infrastructure spending.
Samantala, naglaan ng may kabuuang P1.510 trilyon para sa infrastructure outlays sa isinabatas na FY 2024 budget. Mas mataas ito ng P180 milyon kumpara sa P1.330 trilyong halaga na inilaan para sa imprastraktura sa 2023 GAA upang maipagpatuloy ang pagpapaunlad ng imprastraktura sa pamamagitan ng Build, Better, More program.
Layon ng Build, Better, More program ang palawakin ang imprastruktura ng bansa sa pamamagitan ng pag-develop ng mga proyektong pang-kalsada, pang-riles, mass transport, at flood control upang magbigay daan sa pag-unlad ng mga malalayong munisipalidad, alinsunod sa adhikain ng Pangulo para sa isang Bagong Pilipinas.