Inihayag ng Department of Transportation na inaasahan umanong magdadala ng P900 bilyong kita para sa national government ang modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport bilang concession agreement sa Public-Private Partnership nito.
Ayon sa ahensya, ang NAIA Public-Private Partnership — sa loob ng 25 taong kasunduan nito sa nanalong concessionaire — ay magbibigay-daan sa gobyerno na kumita ng P36 bilyon taun-taon at i-redirect ang mga kita nito sa iba pang mga proyektong panlipunan at imprastraktura.
Nauna nang iniulat na noong Biyernes sa pag-anunsyo ng nanalong concessionaire para sa NAIA modernization, ang gobyerno ay makakakuha mula sa SMC-SAP Co. Consortium ng garantiyang P30 bilyon bilang paunang bayad at P2 bilyong annual payments, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Kung ikukumpara, ang Manila International Airport Authority ay nakapag-remit ng P23.3 bilyon mula 2010 hanggang 2023 o P1.78 bilyon taun-taon.
Ang huling major capacity expansion ng NAIA ay noong 2008, nang ang Terminal 3 nito ay nagkaroon ng kapasidad na 35 milyong pasahero taun-taon.