Nakuha ng nagmedalyang ginto sa Southeast Asian Games na si Bien Zoleta ang medalyang tanso sa 2024 Asia Pickleball Open sa Thanyapura Sports and Health Center sa Phuket, Thailand noong Biyernes.
Ang mahusay na soft tennis player na nanalo ng dalawang gintong medalya sa nakaraang SEA Games sa Cambodia noong nakaraang taon, ay nakipagsosyo sa Amerikanong si Yanhua Hawkins upang talunin ang mga kalabang South Korean na sina Juhyun Lee at Jiyong Seo sa women’s doubles event 4.5 category sa iskor na 21-8.
Sinabi ni Zoleta, na pambato ng Lucena Pickleball Club, na ang laban sa Thailand ay ang kanyang unang opisyal na torneo sa pickleball ngayong taon at bahagi ng kanyang ensayo.
“Tulad sa frisbee, isang paraan ang pickleball upang ako’y makapag cross-train,” aniya.
“I’m just so happy to represent the Philippines and enjoy all the sports,” dagdag ni Zoleta.
Puntirya ni Zoleta ang isa pang medalya sa mixed doubles event katuwang si kuya Karl, na nagtapos sa torneo sa ikaapat na ranggo sa men’s singles 35+ 4.5 category.
Kabilang rin sa LPC squad sina Evan Villapando, Dax Carlos, Mark Chuy, Amanda Zoleta, Odi Tayag at John Eric Buhay.