Aalis ngayon patungong Japan si Jerwin Ancajas na armado ng mahigit 300 rounds ng sparring para sa kanyang tangkang maagaw ang titulo sa World Boxing Association bantamweight kay Takuma Inoue.
Sa Pebrero 24 ang salpukan ng dalawa sa Ryogoku Kokugikan Sumo Arena sa Tokyo.
“Hindi ko masasabi kung gaano karaming mga round ngunit ito ay malamang na higit sa 300,” sabi ni Ancajas sa bisperas ng kanyang paglipad.
Matagal nang nagsimulang magsanay si Ancajas para sa laban dahil unang itinaon sa Nobyembre 15 ang kanilang laban sa Las Vegas. Nag-ensayo siya sa Survival Gym sa Magallanes, Cavite at ipinagpatuloy sa Las Vegas.
Ngunit nagtamo ng pinsala sa tadyang ang Hapones at napilitang ipagpaliban ng mga promoter ang laban.
Sa halip na magpahinga sa pagsasanay, bumalik si Ancajas sa Pilipinas at nagpatuloy ng kanyang buildup sa ilalim ng kanyang head trainer na si Joven Jimenez.
Si Ancajas, na papasok sa ring na may 34-3-2 win-loss-draw card na may 23 knockouts, ay tatangkaing manalo ng ikalawang pandaigdig na titulo sa pangalawang weight class matapos maghari bilang International Boxing Federation super-flyweight king mula 2016 hanggang 2022.
Sa kanyang mahabang paghahari, siyam na ulit niyang dinepensahan ang 115-pound belt bago ito isinuko kay Fernando Martinez ng Argentina.
Sinubukan ng kaliweteng Ancajas na bawiin ito ngunit muli siyang tinalo ni Martinez.
Hindi na niya kayang lumaban sa 115-lb division kaya nagpasya si Ancajas na umakyat sa mas mataas na timbang.
Si Inoue ang nakababatang kapatid ni Naoya na kasalukuyang world super-bantamweight champion. May 18-1 kartada ang Hapones na may apat na knockouts.
Kung mananalo, si Ancajas kay Inoue, siya ang magiging tanging kampeong boksingero ng bansa.