Dalawang lalaki ang sumuko sa mga otoridad na sinasabing mga suspek umano sa pananambang at malubhang pagkakasugat sa isang 28-anyos na doktora sa Maguindanao del Sur.
“We are happy to report, also, two suspects surrendered in line with the shooting of Dr. Sharmaine Barroquillo,” sabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, edad 17 at 18 ang mga suspek na sumuko, habang pinaghahanap pa ang isa pang suspek na 16-anyos.
Sinabi ni PRO BAR chief Police Brigadier General Allan Nobleza, na sumuko ang dalawa nitong Miyerkules sa tulong ng Pandan local government unit.
“The police are now conducting an investigation. They are going to file attempted robbery and frustrated murder,” ayon kay Nobleza.
Nitong nakaraang February 3, sakay ng kotse si Barroquillo nang pagbabarilin siya sa national highway sa bahagi ng Barangay Digal sa bayan ng Buluan at kahit sugatan, naitakbo pa rin ni Barroquillo ang sasakyan papunta sana sa ospital pero nakabangga siya ng tricycle na mayroong mga sakay.
Dinala sa ospital si Barroquillo, pati na ang mga sakay ng tricycle na kaniyang nabangga.
Nakatakas naman noon ang mga salarin.