Pinaalalahanan ni House Speaker Martin Romualdez ang kanyang mga kasamahan sa Kamara de Representantes na dapat ay magpatuloy sila sa kanilang mga trabaho at huwag nang patulan ang anumang isyu na ilalabas ng mga Senador.
Kasunod ito nang pagkakasundo nina Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri na itigil na ang “word war” o bangayan sa gitna ng ng isyu sa People’s Initiative para isulong ang Charter Change.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin, ang direktiba ni Romualdez ay ituloy lang ang pagtatrabaho at iwasan ang mga distraction o maaaring makaabala.
Pero may mga mambabatas umano na nagsabing sasagot pa rin sila sa mga patutsada ng ilang senador.
Binigyang-diin ni Garin na ang importante ngayon ay nagkaroon na ng “ceasefire” sa pagitan ng dalawang kapulungan sabay giit na iginagalang nila ang karunungan o wisdom ng Senado.
Ipinunto ng lady solon na hindi umano magandang halimbawa ang hidwaan, naaaksaya rin ang pera ng mamamayan na nagbabayad ng buwis.
Dagdag pa nito, dapat tuparin ng Mataas na Kapulungan ang bawat sinasabi lalo na ang pangakong timeline na tatapusin sa Marso ang Resolution of Both Houses Number 6.