Isang babae ang napatay sa taga ng kanyang mister matapos umanong magselos ang lalaki dahil sa paghihinalang may iba nang mahal ang kaniyang asawa sa Mandurriao District sa Iloilo City.
Batay sa mga ulat, kinilala ang biktima na si Emelyn Lasa habang naaresto naman ang kaniyang mister at umamin sa krimen na si Domingo.
Ayon sa Mandurriao Police, nagkaroon umano ng pag-aaway ang mag-asawa nangyari ang krimen noong umaga ng February 12, 2024. Nakita ang katawan ng biktima sa bakanteng lote na may taga sa leeg at mga kamay sa Barangay Bolilao.
“Pagdating nila sa lugar, may komprontasyon na nangyari. That’s why pinagtataga niya ang asawa,” sabi ni Police Captain Val Cambel, hepe ng Mandurriao Police Station.
Matapos ang krimen, umuwi pa raw sa kanilang bahay si Domingo at nagpalit ng damit bago nagtungo sa Lambunao para sana takasan ang ginawa sa kaniyang asawa.
Nang nakapanayam sa loob ng piitan, inamin ni Domingo na selos ang nagtulak sa kaniya para gawin ang krimen dahil sa paniwala nito na may kaulayaw ang biktima pero itinanggi naman ng ina ng biktima na magagawa ng kaniyang anak ang ibinibintang ng kaniyang manugang.