Simpleng pagsita lamang sana ang gagawin ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority sa isang rider na angkas ang kaniyang asawa at dalawang batang anak sa Mel Lopez Boulevard sa Maynila.
Pero dahil nagmatigas ang rider, nauwi sa habulan ang insidente at nakuha ang mga ito sa CCTV.
Batay sa mga kuha ng video, makikita ang pag-zigzag at pagsingit ng rider sa ibang sasakyan para matakasan ang mga humahabol na tauhan ng MMDA.
Ilan beses siyang pinagsabihan na itabi ang kaniyang motorsiklo pero hindi nakinig ang rider. At nang malapit na siyang abutan, iniwan niya ang motorsiklo at ang kaniyang mag-iina at patakbong tumakas.
Pero kinalaunan, naaresto pa rin siya at ang katwiran ng rider sa kaniyang pagtakas ay wala umano siyang lisensya.
“Natakot po ako wala po akong lisensya… Pasensya na po,” pakiusap ng rider.
Bakas naman ang inis ni MMDA Special Operations Strike Force Gabriel Go sa rider dahil inilagay nito sa panganib ang buhay ng kaniyang mag-iina, lalo ang dalawang bata na walang suot na helmet.
“Initial violation is just P3,000. [Pero] Ang buhay hindi puwedeng palitan ‘yan,” ayon kay Go.