Isa ang naitalang nasawi habang hindi bababa sa 50 ang naitalang sugatan matapos bumagsak ang bahagi ng ikalawang palapag ng St. Peter the Apostle Church sa San Jose del Monte, Bulacan habang nakapila ang mga tao na magpapalagay ng abo sa noo nitong Ash Wednesday.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction Management Office head Gina Ayson, gawa sa kahoy ang ikalawang palapag ng simbahan na bumagsak sa mga tao.
“Medyo marami po talagang tao dahil sabay po kasi siya eh sa pagpila ng pagpapahid ng abo kaya po talagang medyo dumagsa po ang tao,” sabi ni Ayson.
Minor injuries umano ang tinamo ng mga biktima.
Kinilala naman ang nasawing biktima na si Luneta Morales, 80-anyos at ayon sa Parish priest na si Romulo Perez, pinamahayan ng anay ang ikalawang palapag ng simbahan.
Sinabi ng San Jose del Monte Public Information Office, dakong 7 a.m. nang mangyari ang insidente. Nasa 44 katao ang dinala sa iba’t ibang ospital, tulad ng Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, Tala Hospital, Brigino General Hospital, Skyline Hospital, Labpro Diagnostic Center, at Grace General Hospital.
Sasagutin umano ng lokal na pamahalaan ang gastusin sa pagpapagamot sa mga biktima, ayon pa sa PIO.
Pansamantalang ipinasara ang simbahan at susuriin ng mga opisyal ng city engineering and building office.
Sinabi ni Ayson na sumailalim noon sa pagkumpuni ang simbahan pero sadya umanong luma na ang interior at mezzanine nito.