Inalala ng aktres na si Barbie Forteza ang mga pinagdaanan niya noong nagsisimula pa lamang siya sa mundo ng showbiz at aminado siyang talagang may mga hirap siyang pinagdaanan noon.
Sa isang panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” kasama ang ka-love team na si David Licauco, nausisa si Barbie kung ano ang mga pinagdaanan nito sa kanyang career.
“Barbs, ikaw? Mayroon kang pinagdaanang ganoon? You auditioned tapos hindi ka nakuha?” tanong ni Boy.
“Opo naman,” sagot ng dalaga. “‘Yung tatlong unang teleserye ni Miss Marian Rivera nag-audition po ako as young. ‘Yong ‘Marimar,’ ‘Dyesebel,’ saka ‘Darna’. ‘Yong una, ‘Marimar’ ‘di po ako natanggap kasi takot ako sa aso noon. E, ‘di po ba may Pulgoso? Number two, ‘Dyesebel.’ Hindi ako marunong lumangoy. Ganda lang ang abot ni girl. E, medyo ‘yon ang point ng show. Medyo dapat marunong kang lumangoy,” kuwento ni Barbie.
Noong panahon naman na nag-audition siya para sa “Darna”, inamin naman niyang natakot siya sa heights.
“Noong ‘Darna’ naman po, takot naman ako sa heights. Hindi naman pwedeng lumipad. Hindi ko rin alam kung bakit ako nag-audition,” sabi ni Barbie.
Pero sa kabila ng kanyang mga hindi successful na audition ay happy pa rin ang dalaga na balikan ang mga pangyayari.
“That makes you grateful to be where you are today. But at the same time, not knowing that you’re inspiring a lot of young people out there who are still trying,” saad ng dalaga.