Tablado ang King of Talk Boy Abunda, na ang pahayag sa palatutunan niya ay kaibigan niya si Bea Alonzo, pati na rin ang maricong si Ogie Diaz at seasoned entertainment writer Ms. Cristy Fermin, sa joint official statement mula sa hello, ex-lovers.
Ang pinaka-pahiya sa lahat, si Abunda dahil may pag-angkin ito na siya at ang dating magsing-irog ay magkaibigan, sinasabi sa kanya ang mga saloobin nito, at may basbas ang kanyang pahayag tungkol sa hiwalayan, na wala naman pala.
Sa magkasamang pahayag ng dating muntik na ikasal, wala palang permiso sina Abunda, pati na rin si Diaz at Fermin, na ang mga balita naman tungkol sa hiwalayan ay galing sa mga mapapagkatiwalaang pinangagalingan.
Ang nakakapagdabog ng bangs sa lahat, ang paglalakbay ng relasyon nina Bea at Dom, mula pagiging magkaibigan hanggang mauwi sa relasyon at kasunduang pakakasal ay kanilang ipingalandakan sa new at tradisyonal na media. Ngayong hiwalay na ang dekolor at puti, ang hinihiling ay i-respeto ang kanilang pagiging mga pribadong indibidwal.
Saan galing ang pagpapaimbabaw na ito? Nung ang lahat ay namumulaklak at kay bango-bango, ang inyong pagmamahalan ay ginawa niyong putahe sa karindeya na lahat ay pwedeng kumain nito?
Ngayong winakasan niyo na ito, ayaw niyong ipadalirot ang mga dahilang ng hiwalayan at hindi niyo gustong maipamukha sa inyo na ang inyong mga kasunduan at pangako sa isa’t –isa ay sadyang hunkag at mababaw kaya kay daling bitawan at balewalain.
Naku, naku, naku…. binibining Alonzo at ginoong Roque, sa susunod niyong pakikipag-relasyon, huwag na kayong mag-kwento. Huwag niyo ring gawing content sa vlog niyo para pagkakakitaan. Wag kayong magpakilig at ipagsigawan na may mga minamahal kayo.
Naway ang katahimikan at kapayapaang inyong hinihiling at ang paninindigan niyo na karapat-dapat kayo sa inyong privacy ay inyong makamit.
Ngayong naglalabasan ang kung sino-sinong mga ka-close at diumanoy patron ni ginoong Roque, mahimbing kaya ang tulog dahil ang mga haka-haka ay may imbentong intriga at salat na salat sa katotohanan?
Ang mga chikang palagiang pangalawa si binibining Bea sa mga inilalapag sa kanyang proyekto sa Kamuning, na diumano, mga tinanggihan ito ni Marian Rivera-Dantes, mapapanatag kaya ang kalooban niya? Pipiliin niya rin ba ang pananahimik at pag hiling na maging pribadong kaganapan ito?
Hindi na pumatol si Boy Abunda sa pagtatwa sa kanya nina Bea at Dom.
Kung ano ang reaksyon dito ni maricon Diaz at seasoned entertainment writer Fermin, tiyak na kukuda ang mga ito sa platform na meron sila. Yun ay kung may saysay pa ang dalawang bigong ito sa kanila.
***
Hidden post pala ang ibinahagi sa social na ang nginungusong sumulat ay isang pa-kontrobersyal na nilalang.
Kung bakit ito naging public post at sa ngayon nga eh ang mga katkatera at daldakina eh pinangalanan na ang pakiwari nilang bida-bida sa babala, pakitanong sa buwan at kina Zaido at sa Pulis Pangkalawakan.
Ang hirap paniwalaan at mas lalong ayokong ilagay sa aking pitak ang tinukoy na paksa dahil grabehan ang alegasyon.
Taob ang kahit na anong drama sa telebisyon kung sakali mang may katotohanan nga ito. Ang hirap batahin at paniwalaan dahil sadyang nakaka-windang!