Isang babae ang bumagsak sa kalaboso nang abandonahin nito ang kaniyang sanggol sa banyo ng isang gasolinahan sa Kalayaan Avenue, Quezon City.
Kasama rin sa inaresto ang kaniyang mga magulang na kasabwat umano sa krimen.
Ayon sa mga ulat, na-backtrack ng pulisya ang pagkakakilanlan ng ina makalipas ang ilang araw na pagtutok sa CCTV footage at nahanap ng pulisya ang tirahan ng babae noong Biyernes sa isinagawang hot pursuit operation sa Antipolo, Rizal.
Kasama ang Children and Women’s Desk ng estasyon, ipinaliwanag sa mga suspek ang kanilang mga karapatan at inimbitahan sa presinto para maimbestigahan.
Kusang sumama ang babae at kaniyang mga magulang ngunit tumangging magbigay ng pahayag sa pulisya.
Naplakahan sa CCTV footage ang ginamit nilang sasakyan at natuklasang pagmamay-ari ito ng ama ng babaeng nag-iwan sa sanggol.
Bago inaresto, makikita sa CCTV footage ang buntis na babae na naki-CR sa gasolinahan, ngunit nanganak na pala siya sa loob.
Iniwan niya ang kaniyang sanggol hanggang sa madiskubre ito ng sumunod na gumamit ng banyo. Hindi agad natuklasang may sanggol nilagyan ito ng tissue sa bibig para hindi marinig ang kaniyang iyak.
Nahaharap sa frustrated infanticide at child abuse ang ina ng sanggol, at inireklamo rin ang kaniyang mga magulang.