Iniulat ng Armed Forces of the Philippines nitong Lunes na napatay na umano sa isang operasyon ng militar sa Lanao del Sur ang utak umano sa madugong pagpapasabog sa Mindanao State University sa Marawi City noong Disyembre.
Ayon sa AFP, ang suspek na kinilalang si Khadafi Mimbesa, alyas “Engineer” ay ang umano’y lider ng Dawlah Islamiyah-Maute Group.
“Statements from a surrendered terrorist, identified as KHATAB, a high-value individual in the DI-Maute Group who surrendered to the 2nd Mechanized Brigade on February 11, have corroborated the initial information on demise of the DI-Maute Group Amir and the mastermind behind the MSU bombing,” ayon sa AFP.
Kung matatandaan, mula Enero 25 hanggang 26 ay nagsagawa ng operasyon ng AFP na nagresulta sa pagkakapatay sa siyam na miyembro umano ng Dawlah Islamiyah.
Sa naunang impormasyon na inilabas ng AFP, tinukoy nila na kabilang sa mga napatay na suspek ay si Saumay Saiden — na may alyas Ustadz Omar at Abu Omar, Saumay — na kabilang sa apat na pangunahing suspek sa MSU bombing.
Napatay din si Abdul Hadi, alyas Hodi Imam at Abday’N, na sinasabing gumawa ng bomba na ginamit sa pagpapasabog sa MSU.
Apat ang nasawi at 45 ang nasugatan sa naturang pagpapasabog sa MSU na nangyari sa Dimaporo Gymnasium kung saan may idinadaos na misa.
Ayon naman sa Philippine National Police, malaki umano ang magiging epekto ng resulta ng operasyon ng militar at sa pagkakapaslang sa utak ng MSU bombing.
Sinabi ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na ito’y patunay na ginagawa aniya ng mga pulis at militar ang lahat para malutas ang nangyaring pagpapasabog.
“Malaking bagay na it will send a strong message sa ating mga kababayan that the police and the military are doing their best to make sure that such acts are not tolerated and not condoned and the long arms of the law is really working,” sabi ni Acorda.