Inaresto ng mga otoridad ang isang Koreanong pugante na nagre-recruit umano ng mga Pilipino upang maghatid ng droga sa South Korea.
Batay sa paunang ulat, sinabing lumipad pa-Marinduque para makaiwas ang high profile Korean fugitive na si Sim Dongwoo, ngunit nadakip siya ng mga tauhan ng Bureau of Immigration – Fugitive Search Unit at Philippine Drug Enforcement Agency.
Sinabi naman ni BI-Fugitive Search Unit chief Rendel Sy na nadakip si Sim noong 2021 dahil sa kaso niya sa Korea dahil sa telecom fraud, ngunit pinakawalan na hindi alam ng BI kaya siya nagtago ulit.
Gayunman, na-monitor ng mga awtoridad sa Korea ang suspek dahil sa mga nahuling drug mules doon. Lumabas pa sa imbestigasyon na si Sim ang source sa Pilipinas.
Bagong kaso ngayon ng Korean national ang pagpapadala ng shabu sa pamamagitan ng kaniyang Koreanong drug mules na nire-recruit dito sa Pilipinas.
“Nilalagay nila itong methamphetamine o shabu sa sole ng sapatos. May instances na nilalagay din sa sanitary pads o kanilang private parts para nga hindi ma-check ng ating airport authorities, kaya ito’y nakakalusot papunta ng Korea,” sabi ni Sy.
Dagdag ni Sy, nasa 200 grams ng shabu umano ang dinadala ng drug mules ng Koreano.