Ilang mga guro sa Nuevo Iloco Elementary School ang nagsagawa ng stress debriefing para sa mga batang pansamantalang nakatira sa nasabing paaralan bilang kanilang evacuation center.
Ayon kay Vice President Sara Duterte, ang layunin ng debriefing ay upang pakalmahin ang mga bata matapos ang nangyaring pagguho ng malaking bahagi ng lupa sa Maco, Davao de Oro.
Nitong nakaraan ay binisita ni VP Sara – na siya ring kalihim ng Department of of Education — ang mga pamilyang biktima ng nasabing trahedya para kamustahin at makita ang kanilang kalagayan.
Nasaksihan umano ni Duterte sa kaniyang pag-iikot sa nasabing eskwelahan, ang mga ginagawa nilang mga aktibidad katulad ng kantahan at paligsahan para makatulong na makapagbigay ng kasiyahan sa mga batang nakaranas ng naturang trahedya.
Samantala, taos-puso namang nagpapasalamat si VP Sara sa mga guro sa kanilang serbisyo para sa bayan.
Sa ibang balita, iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang kahalagahan nang mas mabilis na proseso ng pagbili ng mga aklat matapos lumabas sa isang pag-aaral ang mga hamong kinakaharap sa pagbili ng textbooks para sa mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan.
Sa ulat ng Second Congressional Commission on Education, lumalabas na mula 2012, 27 na textbooks lamang ang nabili para sa Kindergarten hanggang Grade 10.
Lumabas din na mula 2018 hanggang 2022, P12.6 bilyon ang inilaan para sa mga textbook at ibang mga instructional materials, 35.3 percent o P4.5 bilyon ang tinatawag na obligated at 7.5 percent o P952 milyon naman ang naitalang na-disburse.
Lumabas din sa pag-aaral na mula noong ipatupad ang K to 12 curriculum, mga textbook lamang para sa Grade 5 at 6 ang nabili.