Sa wakas, nakakuha na rin si CJ Perez ng malaking indibidwal na gawad mula sa Philippine Basketball Association,
Hinirang ang gwardiya ng San Miguel Beer na Best Player of the Conference sa Game 4 ng PBA Commissioner’s Cup noong Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
Ang BPC ay nakuha ng three-time league scoring champion sa nakakumbinsing paraan.
Nakuha ni Perez ang pinakamaraming boto ng media at mga manlalaro, sa kabila ng munting pagkatalo sa stats kay Christian Standhardinger ng Barangay Ginebra.
Ang dating Most Valuable Player sa National Collegiate Athletic Association ay nakatanggap ng 505 na boto mula sa media at 86 na boto mula sa mga manlalaro.
Mayroon din siyang 464 puntos mula sa statistics para sa kabuuang 1,055 puntos.
Si Perez ang pinakahuling manlalaro ng San Miguel Beer na nanalo ng nasabing parangal mula noong ibigay ito noong 1994.
Humanay siya sa mga naging BPC ng koponan na sina Allan Caidic, Nelson Asaytono, Danny Seigle, Danny Ildefonso, Jay Washington, Arwind Santos, June Mar Fajardo at Chris Ross.
Namumukod-tangi si Fajardo bilang may pinakamaraming panalo sa BPC na may siyam.
Samantala, ang Best Import award naman ay napunta kay Johnathan Williams, ang masipag na import ng Phoenix, na nanguna sa kanyang koponan na umabot sa playoffs ng torneo.
Nakakabigla ang panalo ni Williams dahil karaniwang mga reinforcement ng naglalabanang koponan sa finals ang napipiling Best Import ngunit hindi ito nakuha nina Tyler Bey ng Magnolia o Bennie Boatwright ng SMB.
Karamihan sa mga puntos ni Williams ay nagmula sa mga boto ng media na may 424 puntos. Nakakuha siya ng kabuuang 1,017 puntos, na tinalo ang kanyang pinakamalapit na humahabol na si Bey, na mayroong 908.
Pumangatlo si Boatwright na may 878 puntos.