Kung datirati ay pansamantalang trabahador lamang ang estado ng mga tinatawag na casual, contractual at job order na manggagawa sa mga ahensya ng pamahalaan o munisipyo, ngayon ay ginagawa na silang permanenteng kawani lalo na ang mga matatagal nang nagsisilbi bilang pagkilala sa kanilang propesyonalismo at katapatan sa trabaho. Sa pagiging permanente nila ay may seguridad sila sa trabaho at di hamak na mas mataas ang kanilang sweldo.
Ngunit hindi riyan nagtatapos ang reporma sa mga kontraktwal at JO. Ang Civil Service Commission naman ay magsisimulang bigyan ng pagkakataon silang magkaroon ng civil service eligibility para mas makaangat pa ng ranggo na may mas mataas na sweldo.
Ayon sa CSC, ang mga tulad nilang nakakasampung taon nang tuloy-tuloy na nagsisilbi at may satisfactory na performance rating ay makakapag-apply na ng civil service eligibility at makapag-eksamen upang makuha ito. Binuksan na ng ahensya ang eksamen para sa kanila simula Marso 3.
Hindi lamang ang pagkakataon na makapag-eksamen para sa CSE ang ibinibigay sa kanila ng CSC. Binibigyan rin sila ng pagkakataon na maipasa ang eksamen.
Nasa 80 ang grado na pasado sa Civil Service Exam pero ang mga makakaiskor ng 70 ay madaragdagan ng 10 puntos upang umabot sa 80 at makapasa. Ito ay isang makatarungang insentibo dahil hindi naman madali ang pagsusulit para sa mga kulang sa pag-aaral.
Subalit ang pagkakataon na makapag-eksamen para sa CSE ay isang beses lamang ibibigay ng CSC sa mga kukuha nito. Ibig sabihin, ang mga hindi makapapasang JO, casual, contractual at co-terminus na empleyado ay hindi na makakaulit sumubok makakuha ng CSE.
Ayon kay CSC Chairman Karlo Nograles, ang mahigpit na patakaran ay para makasiguro ang pamahalaan na ang makukuha nilang trabahador ay tiyak na magagaling lamang.
Subalit hindi naman siguro permanente ang patakaran na ito at marahil ay madagdagan naman ng pagkakataon na makakuha ng CSE. Habang naririyan na ang pagkakataon, pag-igihin na lang ng mga kukuha ng eksamen ang kanilang pagsusulit upang makamit ang inaasam-asam na posisyon sa larangan ng serbisyo publiko.