Niyanig ng magnitude 5.9 na lindol ang Agusan del Sur kahapon ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Sa pinakahuling bulletin nito, sinabi ng Phivolcs na tectonic ang pinagmulan ng pagyanig, alas-11:22 ng umaga kung saan ang episentro ay nasa loob ng dalawang kilometro mula sa bayan ng Esperanza at 27 kilometro ang lalim.
Naramdaman ang lindol sa Kidapawan, Cotabato na nasa Intensity II at sa Arakan at Kabacan, Cotabato na nasa Intensity I.
Nasa Intensity IV naman ang naramdaman sa Cagayan de Oro City, at Intensity II sa Kidapawan, at Banisilan sa Cotabato.
Samantala, tumama rin ang magnitude 5.8 na lindol sa Las Nieves, Agusan Del Norte dakong alas-11:22 ng umaga kahapon.
Nasa Intensity V ang naitala sa Las Nieves habang Intensity IV naman sa Libona at San Fernando, Bukidnon; Iligan City; Gingoog City, Jasaan, Magsaysay, at Medina, Misamis Oriental; Bayugan City, Prosperidad, at Talacogon sa Agusan del Sur.
Intensity III ang naramdamang lindol sa Jagna, Bohol; Baungon, Cabanglasan, Impasug-ong, Kitaotao, Malaybalay, Malitbog, Manolo Fortich, Maramag, Quezon, Talakag at Valencia City; El Salvador, Misamis Oriental; Mawab at Nabunturan sa Davao De Oro; Digos City; Davao City; at Hinatuan, Surigao del Sur
Sinabi ng Phivolcs na inaasahan ang mga pinsala at aftershocks mula sa parehong lindol.