Kinasuhan ng pulisya sa Thailand ang isang pasahero na nagtangkang magbukas ng pinto ng isang papalipad na eruplano sa Bangkok dahil may gusto umanong pumatay sa kanya doon.
Tinangka ng 40-anyos na Canadian na buksan ang emergency exit sa isang Thai Airways flight papuntang Bangkok mula sa hilagang bayan ng Chiang Mai noong Miyerkules.
Ang insidente ay nagdulot ng pagkaantala sa higit isang dosenang flight, ayon sa pulisya.
Siya ay kinasuhan ng pag-abala sa mga biyaheng panghimpapawid at hindi pagsunod sa mga tagubilin ng kawani ng airline, sabi ni Nattawut Noisorn, deputy chief of investigation ng Phu Ping Ratchaniwet police station, sa Agence France-Presse kahapon.
“Sinabi niya sa amin na binuksan niya ang pinto dahil tinangka siyang patayin ng isang tao sa eruplano. Siya ay sobrang nag-panic.”
Iniimbestigahan ng pulisya kung gumamit ba siya ng anumang droga bago sumakay sa eruplano o may sakit sa pag-iisip.
Inilarawan ni Watcharapon Pethsurp, na nasa flight, ang nangyaring drama.
“Nakaupo ako sa likod ng eruplano at nakarinig ako ng malakas na hangin at sumisigaw mula sa harap na bahagi. Magulo,” sinabi niya sa AFP.
“Ang lalaki ay sumisigaw na nagsasabing isang lalaki na nakasuot ng itim na damit ay sinusubukang patayin siya.”
Matapos ang insidente, naglabas ng pahayag ang Thai Airways na nagsasabing lumipad ang flight nang mahigit tatlong oras pagkalipas ng takdang oras ng byahe nito.