Isang lalaking nagwawala ang napatay ng isang guwrdiya sa Mabini kanto ng Pedro Gil sa Ermita, Maynila.
Ayon sa ilang saksi, bago ang pamamaril, isang alyas Bogart ang nakaaway ng lalaki at sa hindi malamang dahilan ay ilang ulit niya itong hinataw ng itak. Nakatakbo pa palayo si Bogart pero tumumba rin di kalaunan.
“Hinabol ng matanda, eh ‘di na siguro kaya ng biktima dahil malaking mama din sya, tumawid pa siya at umupo doon, pinuntahan din siya, hinabol, tinaga tsaka sinaksak,” kuwento ng saksi.
Agad naman lumapit ang gwardya ng kalapit na hotel at sinubukang awatin ang suspek pero dahil sa hindi humihinto ang lalaki ay dito na nagdesisyon ang gwardya na gamitin ang kaniyang service fire arm at mag warning shot.
Maya maya ay humarap umano sa kaniya ang suspek at sa pangamba na hatawin din siya ng itak, muli niya itong binaril sa ilalim ng dibdib na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Ayon naman kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Homicide Section ng Manila Police District, binigyan pa ng paunang lunas ng guwardya si Bogart bago isinugod sa ospital.
Sa ngayon ay patuloy na nagpapagaling ang biktima ng pananaga.
Hawak na ng MPD-Homicide ang gwardya na sumasailalim sa imbestigasyon.