Naging emosyonal ang mga deboto sa isang simbahan sa Floridablanca, Pampanga, matapos na makita sa internet at maibalik na sa kanilang bayan ang imahe ng Santo Niño na tatlong dekada nang nawawala matapos na nakawin.
Sa isang panayam, inihayag ng ilang taga-Floridablanca ang lungkot nang mawala ang tinatawag nilang Apong Señor Santo Niño de San Jose of Floridablanca.
Taong 1867 pa inukit ang naturang Santo Niño, may taas na 20 pulgada, gawa sa kahoy at may suot na korona at ka-partner ng Santo Niño ang imahen ni San Jose na tila magkahawak at magkatabing naka-display sa altar ng simbahan.
Taong 1991 nang huling nakita ng caretaker ng simbahan ng St. Joseph the Worker na si Arnel Malit David ang naturang Santo Niño.
Dinakip pa noon si David at naging suspek dahil siya ang unang nakaalam na nawawala ang imahe ng Santo Niño. Pero kinalaunan, naabsuwelto rin siya.
Ayon kay David, nakaplano ang pagnanakaw sa Santo Niño ng apat na lalaking hindi taga-Floridablanca. Dagdag niya, sadyang maraming nangunguha ng mga antigong imahen noong taong iyon.
Posible rin daw na kinuha ng ibang sekta ang Santo Niño para sirain.
Upang maibsan ang kanilang pangungulila, nagpagawa ang parokya ng replica ng Santo Niño. Gayunman, napansin nila na hindi ito katulad ng nawawalang Santo Niño pagdating sa tama ng mata ng imahe sa mata naman ni San Jose.
Hanggang sa makita ni Josiah Duke Dondoyano, na deboto rin ni San Jose, ang isang antigong imahen ng Santo Niño habang tumitingin siya online.
Agad itong itinawag ni Duke sa kaniyang dating guro na si Albert Foronda, na deboto rin ng simbahan.
“Noong sinend niya ‘yung photo, iba ‘yung pakiramdam. As in talagang parang divine intervention siya,” sabi ni Foronda.
Gayunman, duda sila tungkol sa nakitang imahen kaya humingi sila ng close-up photos upang silipin ang kanilang palatandaan sa orihinal na Santo Niño.
Ayon kay David, isa sa mga palatandaan ay ang butas nito kung saan ipapasok ang screw para mag-lock kapag ipinapatong sa base.
Pagkapadala nila ng mensahe sa picker na may hawak sa ng Santo Niño, nagpaliwanag ito na hindi nila ninakaw ang imahen, kundi ipinamana lang ito sa kaniya.
Bumiyahe pa-Maynila si Foronda mula Pampanga, para sunduin ang imahen.
“Parang it’s a dream. Noong nagtama ang mata ng Niño saka ako, as in talagang humagulgol talaga ako eh. Ang sinasabi ko sa kaniya kasi during the day, 80% sure ako na siya ang Apong Niño namin. Pero noong nakita ko siya, ‘yung mata niya at saka ‘yung mata ko nagtama, I am 100% sure na siya ‘yun,” sabi ni Foronda.