Iniulat ng provincial government ng Davao de Oro na umakyat na sa sampu ang bilang ng mga nasawi habang nasa 49 pa ang nawawala kasunod nang nangyaring landslide sa bayan ng Maco nitong nakaraan.
“We have recorded that 10 bodies have been recovered from the landslide and 31 injured persons have been rescued,” saad ng pamahalaang panglalawigan sa isang pahayag.
Kung matatandaan, Martes ng gabi nang gumuho ang bahagi ng bundok na bumabon sa isang paradahan ng mga bus, isang barangay hall, at ilang kabahayan sa Zone 1 Barangay Masara sa Maco town.
Naganap ang landslide malapit sa isang mining site na mayroong tatlong shift na nagtatrabahi para sa 24 na oras nitong operasyon at kabilang sa mga natabunan ang ilang manggagawa na pauwi na sakay ng dalawang bus.
Maliban sa tinatayang 30 manggagawa ng sakay ng dalawang bus, may mga residente rin sa lugar ang pinapangambahang nabaon sa lupa.
Pahirapan ang paghahanap sa mga biktima dahil sa lawak ng lugar na tinamaan ng pagguho.
Bukod sa mga nasawi sa landslide sa Maco, may naitala ring 21 nasawi dahil sa baha, pagkalunod at landslides sa iba pang lugar ng Davao de Oro at Davao del Norte, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ang trahedya ay dulot ng ilang araw na pag-ulan sa bahagi ng Mindanao na sanhi ng Northeast Monsoon o Amihan at trough of a low pressure area ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Apektado nito ang Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga at Bangsamoro region.
Nagdeklara ng state of calamity sa lalawigan ng Agusan del Sur at sa bayan ng Lingig sa Surigao del Sur.
Samantala, nananawagan ngayon ang isang environmental group na imbestigahan ang mga operasyon ng isang mining company sa Davao de Oro kasunod ng insidente ng landslide.
Ayon kay Kalikasan People’s Network for the Environment national coordinator Jon Bonifacio, nararapat na magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad ng imbestigasyon dahil ang trahediya ay dulot ng nakamamatay na epekto ng climate change at ireponsableng mga negosyo.