Isang 14-anyos na babae ang natagpuang patay matapos umano nitong makipagkita sa kaniyang boyfriend sa Davao City.
Batay sa mga ulat, nakatawag pa raw sa kapatid nito ang biktima at humihingi ng tulong. Nakita ang katawan ng dalaga na may sugat sa ulo sa isang bakanteng lote sa Barangay Bato.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na bago makita ang bangkay ng biktima, nakita sa CCTV camera ang dalagita sa labas ng isang establisimyento na may kasamang lalaki.
Naging suspek ang boyfriend ng biktima na kinalaunan ay dinakip sa follow-up operation at umamin umano sa krimen at sinabing hinampas niya ng bato ang biktima.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa kaniya.
Samantala, patay ang isang babaeng pedestrian na maingat pang tumawid matapos masalpok ng humaharurot na motorsiklo sa isang kalsada sa Bauan, Batangas.
Kita sa kuha ng CCTV ang pagtawid ng mga biktima sa pedestrian lane sa Barangay Balayong. Lumingon pa sa kaliwa at kanan ang dalawa para matiyak na walang sasakyan.
Saglit pa, huminto sila saglit para palagpasin ang paparating na motorsiklo.
Gayunman, biglang sumulpot ang isa pang motorsiklo at nasalpok ang mga pedestrian kaya tumilapon sila at ang rider. Dead on the spot ang isa sa mga tumatawid.