Patay ang isang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at isang drug suspect ang nasawi nang mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation sa General Santos City.
Batay sa mga ulat, nagkasa umano ang mga otoridad ng isang sting operation laban sa suspek na kinilalang si Pablito Polancos sa Barangay Labangan nitong Sabado ng madaling araw.
Nagpositibo ang operasyon pero binaril umano ni Polancos at napatay ang PDEA agent. Gumanti naman ng putok ang mga operatiba na ikinamatay din ng suspek.
“Nanlaban at natamaan ang ating operative o agent ng PDEA of course nung retaliation, napatay din natin ang suspek,” sabi ni Police Colonel Nicomedes Olaivar Jr., Director, General Santos City Police Office.
Napag-alaman na nasa drug watchlist pareho ng pulisya at PDEA si Polancos.
Sa Facebook post, inihayag ng PDEA ang kanilang pagluluksa sa pagkasawi ng kanilang kasamahan na si Agent Raymund Parama, Assistant Provincial Officer ng PDEA Regional Office XII-Sarangani-Gensan.
“The PDEA honors the heroism of Agent Parama who will be remembered as a shining example of bravery, nobility of spirit, and dedication to his sworn duty,” saad ng PDEA sa pahayag.