Kalaboso ang mag-live in partner na pinaniniwalaang mga supplier ng droga matapos mabitag ng mga otoridad sa isang buy bust operation sa Batasan Hills, Quezon City.
Kinilala ang mga suspek na sina Jay-R Dela Cruz at Jather Amador, na dinakip sa inuupahan nilang bahay matapos ikinasa ang sting operation kung saan narekober ang P680,000 halaga ng shabu.
Nakatanggap ng tip ang pulisya na nagbabagsak umano ng shabu sa lugar ang mag-partner.
Nakuha sa mga suspek ang 100 gramo ng shabu na katumbas ng nasabing halaga.
Ayon sa pulisya, nakararating ang operasyon ng mga suspek hanggang sa Rizal at Marikina.
Itinuturing si Dela Cruz na high-value individual. Hindi basta-basta nakikipagkita ang mga suspek sa mga binabagsakan nila ng item, at idinaraan sa online ang bayaran.
Nakulong na rin si Dela Cruz sa Marikina noong 2020 dahil sa kasong may kinalaman din sa droga. Sinampahan na ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.