Iniulat ng Philippine Coast Guard nitong Martes na nasagip ng mga operatiba nito ang isang mangingisda na naiulat na nawawala sa karagatang sakop ng Panigayan, Malamawi, Isabela City, Basilan.
Ayon sa mga ulat, nawala umano ang naturang mangingisda noong Pebrero 5, 2024 matapos na hindi na makabalik pa sa kanilang tahanan nang pumalaot ito noong Pebrero 4, 2024.
Matapos nito, agad na nagsagawa ng search and rescue oepration ang Philippine Coast Guard matapos na matanggap ang naturang ulat.
Batay sa salaysay ng nasagip na mangingisdang kinilalang si Resal Edgar, nabangga ng siya ng isang motorbanca habang nangingisda na nakaapekto naman sa maneuverability ng kaniya bangka dahilan kung bakit hindi siya agad nakabalik sa pampang.
Agad namang dinala ng search and rescue team si Edgar sa Coast Guard Sub-station Malamawi para sa isailalim sa health check-up at damage assessment at kasalukuyang nasa mabuting kondisyon na.
Samantala, tatlong sundalo ang nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos nilang maaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police sa isang buy-bust operation makaraang makuhanan ng 50 gramo ng ng hinihinalang shabu na may katumbas na halaga na P340,000, isang AFP issued firearm, sasakyan, at ginamit na buy-bust money sa Barangay Anupul, Bamban sa Tarlac.
Kinilala ng mga operatiba ang naturang mga sundalo na sina Cpl Venancio Delmoral, Cpl Juan Carlo Feliciano, at Sgt. Modesto Rosquero na pawang mga enlisted personnel at itinuturing din na high-value-target sa illegal drugs.
Ang ulat na ito ay kinumpirma rin ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla sa ginanap na pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw. Ang tatlo ay nakadestino sa 7th Infantry Division ng Philippine Army na nakabase sa Fort Magsaysay sa Palayan City.
Sa ngayon ay patuloy kinukumpirmaang status ng mga ito sa serbisyo ngunit gayunpaman ay nilinaw ng tagapagsalita na ang pagkakaaresto sa kanila ay isang isolated incident at hindi sumasalamin sa values at dedication ng buong hanay ng Hukbong Sandatahan.
Giit ni Padilla, nananatiling committed ang buong Armed Forces of the Philippines sa pagtataguyod ng disiplina at integridad sa lahat ng kanilang mga miyembro.
Kasabay nito ay tiniyak din ng AFP ang kanilang buong kooperasyon sa mga operatiba ng PDEA at PNP upang tiyaking magiging transparent ang imbestigasyon sa nasabing kaso.
Kaugnay nito ay muli ring binigyang-diin ng opisyal na hindi kukunsintihin ng AFP ang anumang uri ng ilegal na aktibidad na kasasangkutan ng sinuman sa kanilang mga miyembro, at agad itong aaksyunan nang naaayon sa batas at military regulations.