Dalawampu’t pitong residente ang isinugod sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center sa Angeles, Pampanga matapos silang dumanas ng diarrhea at stomach flu mula noong Pebrero 3.
Ipinag-utos ni Mayor Carmelo Lazatin Jr. ang inspeksyon ng mga pinagmumulan ng tubig matapos maospital ang mga biktima.
Naglabas si Lazatin ng Memorandum No. 370 Series of 2024 na nag-uutos sa City Health Office, General Services Office, CHO-Sanitation Division at sa Business Permit and Licensing Division na gawin ang inspeksyon simula Lunes.
Kasama sa inspeksyon ang microbiological at chemical test ng tubig mula sa lahat ng water supplier at water refilling station sa loob ng Angeles City, bilang karagdagan sa mga regular na pagsusuri na isinasagawa ng lungsod.
Ang tubig sa Angeles City Hall Compound, lalo na sa cooperative canteen, at sa RLMMC, kasama ang hospital canteen, ay inutusan din na siyasatin.
Hiniling din ng alkalde sa mga kinauukulang departamento ng lokal na pamahalaan na siyasatin ang tubig sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod, lalo na sa mga canteen at karinderya.
Samantala, sinabi ni Dr. Froilan Canlas ng RLMMC na mataas ang bilang ng mga naimpeksyon ngunit walang clustering.
Sinabi ni Dr. Verona Guevarra na nakipag-ugnayan ang CHO sa mga lokal na pribadong ospital para sa mga datos hinggil sa mga kaso ng stomach flu.
Hiniling ng alkalde kina Canlas at Guevarra na makipag-ugnayan sa mga lokal na ospital patungkol sa bilang at kondisyon ng mga pasyenteng may impeksyon sa bituka o viral gastroenteritis.
Inatasan din ang dalawang opisyal na humingi ng tulong sa Department of Health kung sakaling magkaroon ng outbreak ng virus.
Nauna rito, hiniling ni Lazatin sa publiko na maging “vigilant” at tiyakin ang kalinisan ng kanilang pinagkukunan ng tubig at pagkain.
Kasama sa mga sintomas ng viral gastroenteritis o impeksyon sa bituka ang matubig na pagtatae, paninikip ng tiyan, pagduduwal o pagsusuka, at kung minsan ay lagnat.
Ang viral gastroenteritis ay maaaring makuha sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa isang taong nahawahan o sa pamamagitan ng pagkonsumo ng kontaminadong pagkain o tubig. Karamihan sa mga apektado ay mga sanggol, matatanda at mga taong may nakompromisong immune system.