Tataas ng isang libong piso ang sahod ng mga kasambahay sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ngayong buwan ng Pebrero. Iniutos ng wage board ng rehiyon ang pagdagdag sa sahod ng mga katulong at ito ay napapaloob sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board Wage Order No. RB-IVA-DW-04 na inilabas noong Enero 22.
Dahil sa umento, aabot ng P5,000 hanggang P6,000 ang magiging bagong sahod ng mga kasambahay sa rehiyon. Ayon sa Department of Labor and Employment, makikinabang rito ang tinatayang 233,909 kasambahay sa rehiyon.
Mangangampanya ang departamento upang ipaalam ang bagong regulasyon at masigurong maipatupad ang taas-sahod.
Hindi lamang sa pagpapasya ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board nakakapagpataas ng sahod ng mga manggagawa.
May mga batas ring kailangan lamang amyendahan upang madagdagan ang mga sahod ng mga manggagawa.
Nirepaso ng DOLE ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng Service Charge Law upang palawakin ang nasasakupan ng batas.
Sa Department Order No. 242, series of 2024 ng DOLE, lahat ng empleyado ng mga negosyong kumokolekta ng service charge – tulad ng restaurant at hotel — ay dapat nang kasama sa hatian ng nakolektang SC.
Datirati, hindi lahat ay nabibiyayaan ng parte sa nakolektang SC mula sa mga parokyano. Ngayon narepaso na ang IRR ng batas, mas maraming manggagawa ang madaragdagan ang perang benepisyo.
Malaking tulong rin sa mga manggagawa ang mababahagian ng SC dahil madagdagan ang kanilang sahod hangga’t may koleksyon ng SC. Bagaman kahati nila ang management, 15 porsyento lamang naman ang mapupunta sa pamunuan at ang natitira ay paghahati-hatian na ng lahat nang pantay-pantay, alinsunod sa IRR.
Sa panahong mas mataas na ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ng mga pagkain, kakapusin ang mga sahod ng maliliit na mga manggagawa kaya magandang kumikilos ang mga ahensya ng pamahalaan upang matulungan silang madagdagan ang sahod nang sa gayon ay masustentuhan pa rin nila ang kani-kanilang pamilya.