Dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang nasawi matapos nitong sumalpok sa nakasalubong nitong tricycle sa pakurbang bahagi ng kalsada sa San Jacinto, Pangasinan.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Santa Maria sa San Jacinto at sa kuha ng CCTV ay makikita na nasa tamang linya ng pakurbang kalsada ang tricycle nang dumating ang motorsiklo na sinasakyan ng mga nasawi na nasa kabilang linya.
Pero napunta ang motorsiklo sa linya na tinatahak ng kasalubong na tricycle kaya nangyari ang salpukan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jeffrey Tabadero Cyrus Castillo na kapuwa residente ng Manaoag.
Ayon kay Police Corporal Noel Dumayas, Deputy Chief ng San Jacinto Police, sugatan naman ang dalawang sakay ng tricycle.
Hinihintay pa ng otoridad na bumuti ang kalagayan ng mga nasugatan para ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon at kung ano ang mapagkakasunduan sa pamilya ng mga nasawi.