Aminado ang aktres na si Faith da Silva na buo pa rin ang pagmamahal niya sa kanyang amang si Dennis da Silva na kasalukuyang nasa piitan at ni minsan ay hindi niya ito kinalimutan.
Nitong nakaraan ay nabigyan ng pagkakataon ang dalaga na madalaw at makita nang personal ang kanyang tatay sa kulungan nitong nagdaang linggo at dito nga niya nasabing nakita niya ang sarili sa ama.
Umamin si Faith na noong bata pa siya ay gumawa siya ng “imaginary father” upang mapunan ang pangungulila sa pagmamahal ng isang tatay.
“Doon ko na-realize na when I was talking to him face to face, I see a lot of myself in him. It was very weird kasi that was the first time we’ve met,” saad ni Faith sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda.”
Dagdag pa niya, nais niya talagang makita at makasama ang ama kahit sandali lang kaya naman tuwang-tuwa siya nang mabigyan ng chance na mabisita si Dennis sa bilangguan.
“Because I love him, I love him a lot. ‘Yung love ko kasi sa kaniya noong una it was coming from a place of longingness, because he was not present noong time na ‘yun,” sabi ng dalaga.
Dito na nga nabanggit ng Kapuso actress na meron siyang “imaginary father” sa kanyang isip na siyang kinakausap niya kapag napapagalitan o may nakakaaway.
“Palaging sinasabi talaga sa akin ni mama growing up, na sobrang mahal ako ng father ko tapos daddy’s girl ako. Eh ako, wala naman akong recollection kasi nga, one year old pa lang ako, paano ako magiging daddy’s girl? Ako, iniisip ko talaga na, kailan darating ‘yung time na I would have a moment with my dad? ‘Yung pagmamahal ko sa kaniya it felt like I was really seeking for it,” sabi ni Faith.
“Feeling ko hindi siya naging normal, tapos hindi ko rin siya sine-share sa ibang tao. So lahat siya nandito lang sa loob, hindi ko alam kung paano ko ipa-process noong time na ‘yun. Si God ang naging father ko talaga,” dagdag niya.