Paubos na pala ang ating mga nars. Karamihan sa kanila ay nangingibangbayan dahil mas mataas ang pasahod sa bansang tulad ng Estados Unidos kaysa sa sariling bayan. Handa silang gumastos ng milyun-milyong piso matunton lamang ang Amerika at doon magtrabaho.
Tanda ng kanilang pagiging pursigido na makapagtrabaho sa States ay ang pagbabayad ng 36,410 na nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Nursing ng P405 milyon upang makapag-eksamen para sa pagkuha ng lisensyang makapagsilbi sa mga ospital sa Amerika. Ang eksamen ay ang National Council Licensure Examination o NCLEX.
Ang nasabing bilang ay pinakamataas dahil halos doble sa 18,617 na kumuha ng NCLEX noong 2022.
Nagkakahalaga ng $200 ang pagparehistro upang makakuha ng NCLEX. Ang computerized examination ay isinasagawa sa 76 sentro ng testing sa 18 bansa, kabilang na ang India, Kenya, Nigeria, Pilipinas at Timog Korea. Balewala ang maliit na gastos sa eksamen kumpara sa taunang sahod na $81,220 ng bawat rehistradong nars sa Amerika.
Sa 2023 tala ng US National Council of State Boards of Nursing Inc., ang namamahala sa NCLEX, may 52.6 porsyento ng mga Pilipinong nars ang nakapapasa sa NCLEX sa unang kuha samantalang 42.3 porsyento naman ang pumapasa sa ulit na kuha.
Inilantad ito ni Quezon City Rep. Marvin Rillo, vice chairperson ng House committee on higher and technical education, sa isang pagdinig tungkol sa pagkaantala ng pagpapaunlad ng mga ospital sa probinsiya dahil sa kakulangan ng nurse.
Nanawagan si Rillo na mapigilan ang pag-alis ng mga nars o mapanatili sila sa bansa.
“Kailangan nating taasan ang sahod ng ating mga nars na agresibong pinipirata ng mga ospital sa Amerika at iba pang bansa,” pahayag ni Rillo.
Nanawagan rin siya para sa pagpasa ng panukalang batas na binalangkas niya na naglalayong itaas ng 75 porsyento ang panimulang sahod ng mga pampublikong nars upang mahimok silang magtrabaho sa sariling bansa.
Sa ilalim ng House Bill 5276, itataas ang panimulang sahod ng mga bagong nars sa P63,997 kada buwan mula sa kasalukuyang P36,619.
Hinikayat rin ni Rillo ang mga lokal na pamahalaan sa probinsiya at mga pribadong foundation na hikayatin ang mga estudyante na kumuha ng kursong nursing bilang iskolar. Ayon sa kongresista, ginagawa ito ng pamahalaang panlalawigan ng Hilagang Samar sa bisa ng isang ordinansa.
May 203,200 na trabaho ang bukas para sa mga nars sa Estados Unidos bawat taon hanggang 2031. Tiyak na susubukan ng mga Pilipinong nars na makakuha ng trabaho roon. Kaya kailangang taasan na rin ang sahod ng mga pampublikong nars sa Pilipinas nang hindi sila maubos.