Isang overseas Filipino worker sa Oman ang nasagip ng Department of Migrant Workers matapos humingi ng tulong ang ina nito dahil umano sa pagmamaltrato ng amo nito kabilang na ang hindi pagpapakain dito.
Ang OFW na itinago sa pangalang Julia ay dalawang taon na umanong domestic helper ay nakauwi na sa bansa sa tulong DMW nitong January 20, 2024.
“Pinapahirapan po siya ng amo niya. Kinukulong, ginugutom. Sabi po ng anak ko may tinutusok daw pong karayom sa kanya. Para siyang nanghihina na nangingisay siya tapos ang tiyan niya raw po mabigat,” saad ng ina ni Julia.
Batay sa mga ulat, nagsimula umano ang pagmamaltrato ng amo ni Julia sa Oman noong nakaraang Setyembre at matapos humingi ng tulong ang ina nito ay inaksyunan agad ito ng DMW.
“Yung maltreatement sa kaniya ay criminal offense na ‘yun. Kapag ganitong mga criminal offenses against our OFWs, humihingi rin tayo ng tulong sa host country police forces…so sa kapulisan or yung Omani gov’t authorities na tumutulong sa atin na masagip, maligtas, madala sa shelter,” ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac.
Makakatanggap din si Julia ng tulong mula sa DMW at Overseas Workerks Welfare Administration.
“Bukod sa kanyang ligtas na pagpapauwi at pagbigay ng ayuda o assistance sa kanya, itong psychosocial counseling ay bahagi ng serbisyo natin hindi lamang dito pagdating sa Pilipinas kundi habang nandoon sa Oman,” dagdag ni Cacdac.