Inihayag ng Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Beirut na tuloy pa rin ang pagtulong ng mga ito sa mga distressed overseas Filipino workers na naipit sa giyera sa timog ng Lebanon dulot ng patuloy na bakbakan ng Hezbollah at Israel.
Base sa talaan ng embahada, umabot sa 215 na mga Pinoy ang natulungang makauwi ng embahada noong 2023.
Bago matapos ang taon, 14 na mga Pinoy kabilang dito ang 10 OFWs at limang bata ang nakauwi noong December 27, 2023.
Ayon kay Philippine Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat, iilan lamang sa mga umuwi noong December 27, 2023 ang apektado sa pambobomba sa timog ng Lebanon.
“Some are having problems with their employers. A number of them are bringing their children, if you’ve noticed. So that means there are some family problems, family issues,” saad ni Balatbat.
Dagdag niya, pinakamaraming bilang ng mga Pinoy na napauwi ng embahada noong buwan ng Disyembre na umabot sa 85.
Kung matatandaan, sinagot ng Department of Foreign Affairs ang air ticket ng siyam sa kanila, samantala sinagot naman ng MWO-OWWA ang air ticket ng 76.
Pumapangalawa naman sa dami ng bilang ng nakauwi noong Nobyembre na umaboy sa 56 na mga Pinoy kung saan sinagot ng DFA ang pamasahe ng 19 at sinagot naman ng MWO-OWWA ang pamasahe ng 37.
Samantala, lima sa mga umuwi na pinamasahian ng DFA noong Nobyembre ay bumalik muli sa Lebanon noong Disyembre at kasalukuyang naninirahan sa Beirut.
Dagdag pa ng embahada, 130 mula sa 215 na nakauwi noong 2023 ay apektado sa bakbakan ng Hezbollah at Israel sa timog ng Lebanon. Sinagot ng DFA ang air ticket ng 13 at sinagot naman ng MWO-OWWA ang air ticket ng 117.