Kalaboso ang bagsak ng isang Cameroonian national sa Makati City na nangangakong gagawing triple ang pera ng mga biktima sa investment, ngunit ibabalik ito sa pamamagitan ng mga pekeng dolyar.
Kinilala ang suspek na si Valere Younga, na dinakip ng mga tauhan ng Makati City Police at Bangko Sentral ng Pilipinas sa isang coffee shop sa lungsod at nakuha mula sa kanya ang pekeng dolyar na mahigit $20,000.
Ayon sa complainant, inengganyo siya ng suspek na mag-invest ng P6 bilyon sa kaniyang negosyo, ngunit kailangan niyang magbigay ng P500,000 para mapabilis ang proseso at dagdag pa ng suspek, tatapatan nito ng dolyar ang perang ibibigay ng complainant, na kanila pang pararamihin.
Ayon kay Dickenson Gamalo, Investigation Officer III ng Payments and Currency Investigation Group ng BSP, kasama sa organized na grupo ang suspek na may modus ng paggamit ng pekeng US banknotes.
“I didn’t have dollar sir. I didn’t give dollar to anyone sir,” depensa ni Younga.
Umabot na sa tatlong negosyante ang nabiktima umano sa black dollar at investment scam ng overstaying na dayuhan at nahaharap siya sa patung-patong na kaso.