Mayroon na namang nakaambang taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo at maaaring umabot sa hanggang P2.00 bawat litro ang madagdag sa presyo ng gasolina.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau assistant director Rodela Romero, posibleng maglaro sa P1.95 hanggang P2.10 ang madagdag sa presyo ng gasolina sa bawat litro batay na rin sa galaw ng kalakalan ng krudo sa world market nitong nakalipas na apat na araw.
Dagdag niya, nasa P0.65 hanggang P0.85 per liter naman ang posibleng iangat sa presyo ng diesel, at P0.20 hanggang P0.30 per liter sa kerosene.
Ito na ang magiging ikaapat na sunod na linggong tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
“Estimated increase is attributed to the following relevant international oil market developments such as US crude stockpile fell; Stimulus package issued by central bank of China to inject/reinforce its economic recovery; and India to become single most important driver of oil demand growth,” saad ni Romero tungkol sa mga dahilan ng price increase sa produktong petrolyo.
Nitong nakaraang Martes, tumaas ng hanggang P1.30 per liter ang presyo ng gasolina, habang P0.95 per liter naman sa diesel.
Ngayong Enero, umaabot na sa P1.60 per liter ang nadagdag sa presyo ng gasolina at diesel, habang P0.40 per liter naman sa kerosene.