Araw-araw ay milyun-milyon ang tumataya sa Lotto.
Araw-araw din ay natatalo sila at nawawalam ng perang pinantaya.
Kung meron mang tumama ay mga hanggang tatlong numero lamang ang tugma at maipapalit nila ang resibo ng bente pesos lamang o maitaya muli ang tiket ng anim na bagong numero para sa susunod na pagbunot o bola.
Sa mga sugarol ng Lotto, tiyak halos malugi na sila sa araw-araw na pananaya ngunit hindi pa rin sinwerteng manalo ng milyones. Iyan ay dahil sa maliit lang ang pagkakataon na lumabas sa bola ang napiling anim na numero mula sa 42 hanggang 58 numerong pagpipilian na itaya.
Sa loterya ng Pilipinas, tila lumipas na ang hirap sa pagtsamba ng numerong tatama sa mapipiling panalong numero dahil sa may nananalo kada linggo. Para sa ilang mambabatas, hindi ito kapanipaniwala kaya isinailalim sa pagtatanong ang mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office kamakailan.
Bagaman siniguro ng mga taga-PCSO sa pagdinig sa Senado na walang pandaraya sa bola dahil makina ang namimili ng mananalong numero, hindi naman kumbinsido ang ilang senador at pinasusuri ang operayon at sistema ng loterya.
Sina Senador Imee Marcos at Joel Villanueva naman ay nanawagan na itigil muna ang paglo-Lotto hanggang hindi naipaliliwanag kung bakit madalas may nananalo sa tayaan.
Nakadagdag sa duda sa pagkapanalo ng mga nanalo ay ang hindi pag-aanunsyo ng kanilang pagkakakilanlan o pagpapakita ng litrato ng mga nanalo na retokado ang itsura at pananamit upang hindi makilala para sa kanilang proteksyon. Nais ng isang senador na makilatis ang mga nanalo kung tunay nga ba silang sinwerte at nanalo.
Kung ititigil pansamantala ang tayaan sa Lotto, tatamaan rito ang mga umaasa sa kita ng PCSO para makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong sa paggagamot o gastos sa ospital kaya kailangang pag-isipang maigi kung makatarungan ito.
Sa kabilang dako naman, kung may anomalya nga sa pagpili ng mananalong numero, hindi rin ito makatarungan sa mga milyun-milyong mananaya na hindi nananalo dahil ito ay pandaraya. At kung napatunayan ngang may pandaraya sa pagpili ng mananalong numero, damay ang mga umaasa sa kita ng PCSO dahil malamang ay mapahinto ang loterya at wala nang maibibigay na pera o tulong ang PCSO sa mga nangangailangan ng tulong pang medikal.