Pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang consolidation para sa Public Utility Vehicle Modernization Program hanggang April 30 upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga nagpahayag ng intensiyon na mag-consolidat.
Inaprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ni Transport Secretary Jaime J. Bautista na palawigin ng tatlong buwan ang consolidation ng public utility vehicles.
Una ng inihayag ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board na mayroon nang kabuuang 190,000 public utility vehicles units , na binubuo ng UV Express, PUJs, mini-bus at bus, ay naka-avail ng consolidation.
Dagdag pa ng LTFRB, noong kalagitnaan ng Enero, ang UV express ay nakamit ang 82 porsiyentong consolidation, jeepney, 75 porsiyento; mga bus, 86 porsiyento; at mini-buses, 45 percent.
Sinimulan ng pamahalaan na isagawa ang modernization program noong 2017 at sa ngayon ay nakapagtatag na ng 1,728 kooperatiba at korporasyon na may 262,344 na miyembro.
Ipinapatupad nito ang PUVMP upang matugunan ang parehong mga lumalalang problema na may kaugnayan sa transportasyon at ang hinaharap na pangangailangan sa transportasyon ng bansa.
Ang programa ay naglalayong sa panimula na baguhin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa na gawing mas marangal, makatao, at naaayon sa mga pandaigdigang pamantayan ang mga operasyon ng commuting at pampublikong transportasyon.