Iginiit ng Philippine Charity Sweepstakes Office na hindi umano minamanipula ang resulta ng kanilang lotto games sa kabila nang mga balitang magkasunod na tinamaan ng tig-isang mananaya sa dalawang lotto draw na parehong mahigit P600 milyon ang jackpot.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, hindi dinadaya o tinatamper ang mga lotto draws.
Ito ay sa kabila nang naging pahayag ni Senador Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement na ang hinala umano ng ilan na may sadyang pinapatama na mananaya ang ahensiya para manalo ng malaking jackpot.
“Ang sinasabi ng ilan, meron kayong plinanta na tao para tayaan ang lahat ng possible combinations. Ginawa niyo ‘yun, P280 million ang ginastos… 14 million combinations napakatagal ‘yon kung tutuusin…Now, ang sinasabi ngayon nila, possible naman daw ‘yon, especially na itong 6/49 ay pinanalunan online,” ayon kay Tulfo.
“Puwedeng manipulahin ‘yung machine na para magkaroon ng automatic sequence betting na in a matter of minutes or hours, kaya nang matayaan ang lahat ng numero,” dagdag pa niya.
Kung matatandaan, Enero 16 nang tamaan ng isang mananaya ang mahigit P640-M jackpot sa Super Lotto 6/49, habang sa sumunod na araw ay isang mananaya rin ang nasolo ang mahigit P698-M jackpot sa Grand Lotto 6/55.
Giit naman ni Robles, kahit nakapaglabas sila ng P1.3 bilyon sa kanilang promo na malakihan ang premyo na sinimulan noong Disyembre, kumita naman umano ang PCSO ng P2.2 bilyon.
Tiniyak din ni Robles sa senador na hindi nila minamanipula ang resulta ng lotto games.
“We would like to assure you that you can never, never manipulate it. Kaya nga allowed kami mag-bet, Mr. Chair. Even I can bet because it’s beyond me. Even if we wanted to, with the system we have, we cannot,” sabi ni Robles.
“I take exception na kayang panalunin. Definitely, madami pong tataya kung malaki ang jackpot. ‘Yun po naman ang objective namin– to really bring in bettors,” dagdag pa niya.
Bagaman puwede umanong tayaan ang lahat ng kombinasyon, hindi naman daw ito garantiya ng kanilang panalo.