Nobyembre 22 pa nang sampahin at ilihis ng mga piratang Houthi ng Yemen ang barkong Galaxy Leader habang naglalayag ito sa Red Sea at dinala sa kanilang puerto sa Hodeidah. Labingpito sa 25 na tripulante ng car carrier na mga Pilipino ang naroroon pa rin hanggang ngayon. Bagaman itinuturing silang bisita at inaalagaan ng mga Houthi, sa tagal nila roon at ayaw silang pakawalan ay bihag ang tunay na turing sa kanila.
Samantala, 18 marinong Pilipino naman ng tanker na St. Nikolas ay panauhin rin daw ng mga Iranian na humayjak sa barko noong Enero 11 sa Gulf of Oman at nagdala dito sa kanilang puerto sa Bandar Abbas. Mayroon ba naman sapilitang bisita? Ang katotohanan, katulad ng mga marinong hawak ng mga Houthi, bihag ang 18 Pilipino ng St. Nikolas, kahit pa sila’y pinakakain doon.
Hindi naman katakataka ang parehong turing ng mga Iranian at Houthi sa mga Pilipino dahil magkakuntsaba ang dalawa sa paghaharang o pamiminsala ng mga barkong dumadaan malapit sa Iran at Yemen bilang ganti nila sa Amerika at Israel sa pagpapahirap sa mga Palestino sa Gaza. Pero bakit idinadamay ang mga nananahimik at naghahanapbuhay lamang na mga Pilipino sa kanilang away sa mga Amerikano at Hudyo.
Babayaran ba ng mga bumihag sa mga marino ang mga nawalang oras at panahon nila sa pagtatrabaho at sweldo?
Matagal nang nakiusap ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga bumihag sa mga tripulante na pakawalan na sila subalit patuloy ang mga nambihag na nagpapatumpiktumpik at ayaw pauwiin ang mga marino.
Bakit ayaw maghain ng demanda at protesta ang Department of Foreign Affairs sa embahada ng Iran at Yemen upang mapadali ang pagpapakawala sa mga tripulante?
Sa mga Pilipinong bihag ng mga Houthi, lagpas na ng dalawang buwan ang pananatili nila sa Hodeidah. Paano na ang mga pamilya nila na nag-aalala sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay na wala namang kinalaman sa gulong kinasasangkutan ng mga Houthi at taga-Iran?
Kung mahirap sa kanila na sagutin ang hiling ng ating gobyerno, nagpapahiwatig lamang ito na ginagamit nila ang mga bihag na Pilipino na parang baraha upang sapilitang makuha ang kanilang gusto sa kanilang mga kaaway.