Iginiit ng isang Amerikanong pastor na nagbenta ng walang kwentang cryptocurrency sa mga mamumuhunan at nagbulsa sa tinanggap na 1.3 milyon dolyar sa kanila na nagawa lang niya ito dahil sinabi ng Diyos na gawin niya.
Si Eli Regalado at ang kanyang asawang si Kaitlyn ay nahaharap ngayon sa kasong sibil dahil umano sa panloloko ng mga kapwa Kristiyano sa Colorado sa Estados Unidos na pinangakuan nilang yayaman sa perang digital na INDXcoin dahil may banal na garantiya ito na yayaman ang mga mayroon nito.
Ayon sa reklamong inihain ng Colorado Attorney General’s Office, nasa 300 katao ang namili ng INDXcoin sa halagang $3.2 milyon mula kay Regalado at kanyang asawa na iginiit nilang sinusuportahan ng Diyos.
Iyon ay sa kabila ng katotohanan na ang mag-asawa, na nagpapatakbo ng isang online na simbahan, ay walang karanasan sa negosyong cryptocurrency, ayon sa isang press release ng Colorado Division of Securities, ang ahensya ng estado na nagre-regulate sa securities market.
Sinabi rin ni Regalado sa mga nabiktima na isang misyon na ibinigay ng Diyos ang pagbebenta niya ng cryptocurrency at inaming ginamit niya ang pera para sa pagpapaganda ng kanyang bahay na aniya ay tagubilin din mula sa itaas.