Inihayag ng Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules na nasa maayos na kalagayan ang dalawang Pilipinong dinakip sa Japan matapos madiskubre ang mga bangkay ng isang mag-asawang Hapon sa Tokyo.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, abandonment umano ang dahilan ng pagkaka-aresto sa dalawang Pinoy na isang babae at isang lalaki at hindi dahil sa pagpatay.
Base sa ulat ng kyodonews.net, nakita ang Pinay sa CCTV sa lugar kung saan nakita ang mag-asawang Hapon at nakita rin sa lugar ang lalaking Pinoy, ngunit hindi malinaw kung magkakilala sila ng Pinay.
Maaring kasuhan sa Japan ang sinoman ng abandonment kapag hindi iniulat sa pulisya na may nakita silang bangkay.
Samantala, sinabi naman ni DFA Deputy Assistant Secretary Bryan Lao na nabisita ng mga tauhan ng Philippine Embassy sa Japan si Hazel Ann Baguisa Morales, isa sa mga inarestong Pinoy, sa estasyon ng pulisya noong Martes.
“Nabisita ng ating Embassy sa police station si Hazel Ann, binigyan ng very limited time, about 20 minutes lang ‘yung panahon na binigay sa ating embahada, pero nakausap nila at na-ascertain naman kalagayan niya,” sabi ni Lao.
Ayon pa kay Lao, may abogado na si Morales, na itinanggi ang mga akusasyon laban sa kaniya.
“She assures her family that she is alright,” sabi ni Lao tungkol kay Morales.