Inaresto ng mga otoridad ang tatlong lalaki na nagnakaw umano ng mga parcel ng delivery rider sa Barangay UP Campus sa Quezon City.
Sinabi ni PLtCol. Ferdinand Casiano na hepe ng Anonas police, nagkasa sila ng operasyon matapos dumulog sa kanilang tanggapan ang 32-anyos na biktimang delivery rider nitong Martes ng hapon.
“May nag-book sa kanya na parcel na worth P3,000 so dineliver ngayon sa area. Pagdating doon, mayroon pala nag-aabang sa kanya na grupo. So inagaw sa kanya yung parcel, nagdeklara ng holdap,” saad ni Casiano.
Ayon pa sa kanya, modus umano ng mga suspek ang mag-book o mag-order ng item sa mga delivery apps at babayaran umano ito sa pamamagitan ng cash on delivery pero imbis na bayaran ay ninanakaw lang ng mga suspek ang mga item o parcels na bitbit ng kanilang biktimang rider.
“Once na i-deliver na yung item is tatakutin nila yung delivery rider, tangay na itong parcel na hindi nagbabayad kasi itong parcel ay cash on delivery pero walang aktwal talagang bayaran na mangyayari ang gagawin nila itatakbo nila yung parcel,” sabi ni Casiano.
Pasado alas-7:30 Martes ng gabi nahanap ng mga pulis ang mga suspek sa tulong ng mga kuha sa CCTV sa lugar.
Napag-alaman din ng pulisya na dati nang nakulong dahil sa ilegal na droga at snatching ang tatlong suspek. Pero ngayon ay sangkot na umano sila sa tinatawag na “agaw parcel” modus.
Hindi na nabawi ang parcel pero narekober ang dalawang ginamit na motorsiklo.