Iginiit ni Commission on Elections chairperson George Erwin Garcia na hindi na dapat makisawsaw ang mga opisyal ng barangay kaugnay sa People’s Initiative na layong amyendahan ang 1987 Constitution.
Ayon kay Garcia, dadaan sa beripikasyon ng Comelec ang mga nalikom na pirma kapag naipasa na ito sa kanilang opisina ng mga proponents ng PI at dagdag niya, aalamin ng poll body kung totoo bang naintindihan ng mga pumirma ang nilalaman ng kanilang nilagdaan at hindi sila pinilit ng sinuman para pumirma sa nasabing people’s initiative.
Sinabi rin ni Garcia na mas maganda umano kung sa Department of the Interior and Local Government manggagaling ang mga babala sa mga opisyal ng barangay dahil sila umano ang nakakasakop dito.
Kung matatandaan, kumalat ang balitang binibigyan umano ng pera o ayuda ang mga taong pipirma sa people’s initiative.
Sa ibang balita, sinabi ni Senator Minority Leader Aquilino Pimentel na may dahilan umano para maghain ng kaso laban sa Comelec dahil sa pagtanggap nito ng mga lagda mula sa PI para amyendahan ang Saligang Batas.
Sabi ng senador, ang mga kaso ay nakadirekta sa poll body dahil sa pagtanggap sa mga lagda mula sa isang hindi kilalang entity at isinagawa ang kanilang ministerial duty na pagbibilang sa mga lagda.
Nang tanungin kung saan maaaring ihain ang mga kaso, sinabi ng senador na maaari sa mismong Comelec para matigil kung ang kanilang ginagawa o sa Korte Suprema para pagbawalan ang komisyon mula sa kanilang ginagawa sa ilalim ng kanilang justification ng ministerial duty.