Sinabi kahapon ng hukbo ng Israel na 24 na sundalo nila ang napatay sa Gaza noong nakaraang araw, ang pinakamalaking bilang ng napatay sa digmaan roon sa isang araw mula nang tugisin nila ang mga teroristant Hamas sa teritoryo ng Palestino noong Oktubre 27.
Dalawampu’t isang sundalo ang napatay nang tumama ang rocket-propelled grenade sa isang tangke malapit sa dalawang gusali kung saan naroroon ang mga sundalo, sinabi ng tagapagsalita ng militar na si Daniel Hagari sa isang pahayag sa telebisyon.
Sinabi ni Hagari na naganap ang pag-atake bandang alas-4 ng hapon noong Lunes at lahat ng napatay ay mga reservist.
Ang RPG ay pinaputok sa isang tangke na nagpoprotekta sa mga tropa nang at nasabugan rin ang dalawang kalapit na na gusali, sabi ni Hagari.
“Ang mga gusali ay gumuho habang ang karamihan sa puwersa ay nasa loob at malapit dito,” aniya.
Ang mga gusali ay sumabog habang ang mga tropa ay naglalagay ng mga pampasabog sa mga ito matapos nilang matukoy ang dalawang istruktura na “teroristang imprastraktura,” sabi ni Hagari.
Isang medical evacuation team ang pinapunta sa lugar upang kunin ang mga bangkay ng mga nasawi sa ilalim ng gumuhong gusali, ayon kay Hagari.
Nauna nang inanunsyo ng hukbo ang pagkamatay ng tatlong iba pang sundalo noong Lunes, kaya umabot sa 24 ang kabuuang bilang ng namatay sa araw na iyon.
Sinimulan ng Israel ang malawakang opensiba laban sa mga Palestinong Hamas sa Gaza matapos salakayin nila ang katimugang Israel noong Oktubre 7 at pinatay ang humigit-kumulang 1,140 katao, karamihan ay mga sibilyan, ayon sa tally ng AFP na galing sa mga opisyal ng Israeli.
Sa opensiba naman ng Israel laban sa mga Hamas sa Gaza, 25,295 katao na roon ang namamatay, karamihan sa kanila ay kababaihan, bata at kabataan, ayon sa health ministry ng teritoryong pinapatakbo ng teroristang grupo.