Isang ginang na buntis ang napaanak sa loob ng isang pampasaherong bus kung saan napasabak rin sa pagresponde ang mga pulis at isang bumbero sa Calapan City.
Batay sa mga ulat, galing sa bayan ng Pinamalayan sa Oriental Mindoro ang pampasaherong bus ng Angel Star lulan ang mag-asawang sina Rommel Dela Torre at ang pitong buwang buntis na si Mary Ann.
Patungo sana sila sa ospital sa Calapan City para magpa-check up, pero sa bayan pa lamang ng Naujan ay nakaramdam na nang pananakit ng tiyan si Mary Ann.
Sakto namang pasahero rin ng bus ang off duty na pulis na si PCCI Meynard Fabella kaya nakahingi siya ng tulong sa mga kasamahang pulis.
Dahil malapit lamang ang Police Community Precinct 2 Sta. Isabel, agad na nakaresponde sina PSSG Ryan Joseph Fajilan, PCPI Beaulah Marzhall Alfante at ang bumbero na si FO3 Joseph Orgas ng Calapan City Fire Station.
Nagkataon naman na nursing graduate ang pulis na si Alfante kaya may kaalaman siya sa pagpapaanak, habang tumutulong naman ang kaniyang mga kasamahan.
Alas-10 ng umaga Lunes, isinilang ang baby boy na pinangalanang Angel hango mula sa pangalan ng bus at nakarating din sa Oriental Mindoro Provincial Hospital ang bus at ligtas ang ina at ang kaniyang sanggol.
Lubos naman ang pasasalamat ng ama ng bata sa mga pulis at bumbero na tumulong sa kanila.
“Big salute po sa personnel n’yo, walang hanggang pasasalamat,” sabi ni Rommel.