Kung sakali palang magkakaroon muli ng proyekto ang aktres na si Jessy Mendiola, hindi umano siya pipigilan ng kanyang esposo na si Luis Manzano kahit pa mayroong mga halikan at love scenes.
Kumbaga, may go signal na si Jessy kung sakaling sasabak siyang muli sa mundo ng showbiz.
Ayon sa aktor, hindi siya makikialam sa magiging diskarte ni Jessy sa kanyang showbiz comeback at hindi rin niya pagbabawalan ang asawa na gumawa ng intimate at daring scenes.
“She can do whatever she wants. If it will give you artistic fulfillment, then by all means go ahead,” sabi ni Luis.
Samantala, sinabi ni Luis na graduate na siya sa pagiging host ng mga reality TV at game show dahil pakiramdam niya, it’s about time na bigyan naman ng chance ang young generation ng mga Kapamilya host na maaaring sumunod sa kanyang mga yapak.
Natanong kasi ang aktor magbabalik na ba ang reality competition na “Pilipinas Got Talent” kung saan siya naging host nang ilang beses at ayon sa kanya, wala siyang idea kung muling magkakaroon ng “PGT” at giit niya, maraming promising host ngayon na pwedeng pumalit sa kanya sa show as a host.
Nabanggit nga niya ang mga kapwa Kapamilya stars na sina Donny Pangilinan, Robi Domingo, Edward Barber at Enchong Dee.
“Congratulations sa kung sino man, hindi ako eh, kumbaga nag-rest na ko sa ‘Pilipinas Got Talent.’ Sabi ko nga why not give it to the new generation,” sabi ni Luis sa naturang interview.
“Nakikita kong pwede si Robi, si Donny, pwedeng si Edward or maybe si Enchong. It’s about time na ibigay na yung mga ganu’ng show sa kanila,” sabi ni Luis.