Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na itinanggi ng ilang retiradong heneral na nakausap niya na sinusuportahan umano ng alumni ng Philippine Military Academy at iba pang grupo ng military retirees ang hakbang para guluhin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa House Speaker, nakausap niya ang nasa 22 retiradong heneral ng Armed Forces of the Philippines kung saan tiniyak ng mga ito na suportado pa rin nila ang administrasyong Marcos.
“We are all here today, united, to air our support to President Ferdinand Marcos, Jr, his administration, and the leadership of the House of Representatives and the Senate,” saad ni Admiral Danilo Abinoja, chairman and chief executive officer ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc., sa nasabing pulong.
“We continue to abide by and vow to defend the Constitution, and the duly-constituted authorities. That is our oath, then and until now,” dagdag niya.
Kung matatandaan, itinanggi na ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na mayroong destabilization plot laban sa gobyerno. Gayunman, sinabi ng kapatid ng pangulo na si Senador Imee Marcos, na “galing sa loob” ang umano’y destab plot.
Sa pahayag na inilabas ng tanggapan ni Romualdez, sinabi umano ni Abinoja na suportado rin si Marcos ng mga iba pang paaralan na para sa mga servicemen gaya ng Navy, Air Force at Coast Guard.
“In fact, the Association of Service Academies of the Philippines is issuing a manifesto of support to President Marcos and his administration,” sabi ng retiradong opisyal.
Nakasaad din sa pahayag na sinabi umano ni retired Major General Marlou Salazar, Vice President ng National ROTC Alumni Association, Inc., na tutol ang kanilang grupo sa ano mang pagtatangka na guluhin ang Marcos administration.
“Ayaw naming magkagulo. A kingdom should not be divided if we want it to succeed,” saad ni Salazar.
Nagpasalamat naman si Romualdez sa mga retiradong heneral sa pagpapahayag ng suporta sa gobyerno.